Kalungkutan Para sa mga Taga-Kangkong

Isang araw bago sumapit ang eleksyon para sa mga barangay nagkaroon ng isang parada mula Kalye Kangkong tungo sa mga lugar na sakop ng aming barangay. Napakahaba ng pila ng mga taong sumali sa aktibidad; isang tunay na pagpapakita ng suporta sa inaakalang papalit sa nakaupo sa maliit na trono ng barangay at isa ring matapang at lantad na pagpaparamdam na hindi na nila nais ang pamamalakad ng kasalukuyang namumuno. Masaya ang parada. Tila walang kapaguran ang mga tao, mula bata hanggang matanda, babae at lalaki at tila ba punung-puno sila ng pag-asa sa tiyak na pagbabagong darating sa aming barangay. At ang nakatutuwa pa higit na nakararami ang mga lehitimong sumama at nagbigay ng suporta.

Punung-puno nga ng pag-asa ang mga taga-Kangkong at mga karatig nitong lugar nang araw na iyon. Sumama nga kami sa parada ngunit hindi kami naglakad; napabilang kami sa motorcade. Sa aking pagkakatanda, wala pa akong nakitang ganoong pagsuporta na nangyari para sa mga kandidato sa aming barangay. Walang katulad ang kasiyahang nadarama ng hapong iyon dala-dala ang pag-asa ng bagong bukas sa kamay ng bagong halal na kandidatong pinili ng mga tao sa aming barangay.

Paggising ko sa umaga ng araw ng eleksyon, Oktubre 29, 2007 ang petsa, ay masigla akong nagwalis muna bago naghanda ng almusal. Tumanaw ako sa paligid at mangilan-ngilan pa lamang ang mga taong nagpaparoo’t parito. May ilang bumoto na nang maaga dahil nga ayaw masabay sa maraming tao. Ewan ko ba pero iba ang ihip ng hangin na nadama ko. Kabaligtaran ng ligaya at tuwa nang nakaraang araw sa parada, nakaramdam ako ng pangamba, pagkatakot at pag-aalala. Pilit kong iwinaksi ang isipang iyon. Sa pag-aalala marahil ay hindi ko na nagawang manalangin.

Nagbubunyi na nang hapong iyon ang mga tao dahil ang manok nila ay lumalamang na laban sa kasalukuyang kapitan. Bigla, sinabi ng aking panganay na huwag munang magsaya dahil hindi pa tapos ang bilangan at kakaiba ang kapasidad ng kalaban. Oo nga pala, naisip ko, may kakayahan nga palang manakit, manakot, mandaya at gumawa ng kung anu-ano pang milagro ang mga taong iyon.

Hindi nanalo ang aming kandidato. Nalungkot ang marami. Umiyak ang ilan. Isang tunay na pagkabigo dahil nanalo ang kalaban kasama ang mga balitang bumoto ang mga patay at mga wala na sa lugar, kasama ang balitang bumoto pati na ang maysakit o di nakalalakad, kasama ang balitang marami ang binili ang boto sa halagang mula P200 pataas, at kasama ang balitang may mga rehistradong flying voters na nakaboto sa aming lugar.

Nakalulungkot. Isa na namang pamamahalang walang kwenta. At tiyak naman katulad ng dati, babalikan nila ang mga taong di sumuporta sa kanila sa mga paraang alam nila – marumi at di patas. Aasahan pa ba ng mga nasasakupan nila ang pagbabago? Gusto kong umasa ngunit tila hindi mangyayari. Sigid na sa laman ang dumi ng pulitikang bumabalot sa kanila.

Kahit ilang beses pa nilang ipamalita na nandaya ang manok namin, alam nila ang totoo na higit na nakararami ang naniniwalang hindi ito totoo. Alam nila at nakita nila ang suporta ng higit na nakararami. Alam nila na iilan na lamang ang mga loyalista nila na may katumbas namang mga pera.

Magsaya man sila, ito ay paimbabaw lamang. Sumayaw man sila sa kalye at mangantiyaw (na wala namang pumapansin) higit nilang alam ang tunay na mga nangyari.

Malungkot man ang mga taga-Kangkong at ang mga karatig-lugar, ang ngiti naman nila’y may kasamang pait at pakla dahil hindi matamis ang tagumpay na hindi tunay na pinaghirapan.

Ano nga ba ang pakialam nila?

manny pacman pacquiao

Sabi ni Lolit Solis kay Manny Pacquiao, “Ano ba ang pakelam nila kung sugarol ka?”. Hindi man ito ang eksaktong sinabi, ganito ang ibig sabihin.

Ano nga ba ang pakialam nila kung sugarol si Manny? Kung simpleng tao si Manny, hindi kilala, hindi pamoso, hindi selebriti, walang pakialam ang kahit na sino. Pero iba ang katayuan ni Manny. Iniidolo siya, mali man ang gawing idolo ang isang tao. Pinamamarisan siya, ginagaya siya, tinitingala siya. Kung ganito ang tingin ng mga tao sa isang tao, hindi ba may responsibilidad din naman si Manny?

Walang problema kung ang paparisan ay ang kanyang kalidad na pag-isahin ang sambayanang Filipino. Walang problema kung ang gagayahin ay ang kanyang tapang at diskarte sa kanyang larangang pinili. Walang problema kung titingalain ang kanyang pagiging mapagmahal na ama. Pero may problema kung ang pamamarisan, gagayahin, o titingalain ay ang kanyang pagiging sugarol. Kailan naman kasi naging maganda ang pagwawaldas ng pera? Isang iresponsableng sagot ang “Baka naiinggit lang sila.” Hindi magandang pakinggan na ang isasagot ni Manny Pacquiao sa kritisismo ay ang naturang mga salita.

Aminin man o hindi, ang isang pampublikong katauhan ay may responsibilidad. Walang pinag-iba sa iba pang iniidolo o hinahangaan.

Ano po ibig sabihin?

Sagot iyan sa dalawa kong komento sa magkaibang post sa isang blog. Dahil sa Ingles isinulat ang sulatin, sa Ingles ko rin sinagot. Noong unang sinagot niya ang komento ko ng “Ano po ibig sabihin?”, hindi ko pinansin. Kahit hindi ko maintindihan kung bakit hindi malinaw ang ibig sabihin ng aking komento na simpleng Ingles lang naman. Nang sumunod, ako ay muling nagkomento at sa bandang huli ang sabi ko “You are tagged!” patungkol sa meme na kailangan niyang gawin. Hindi ako makapaniwala na hindi niya alam ang mga meme. Pero binigyan ko pa rin ng rason, maaaring wala nga siyang alam tungkol sa mga meme. Ngunit nang siyasatin ko ang bumisita sa aking blog, ni hindi niya sinilip at tingnan kung ano ba ang ibig kong sabihin at ano nga ba ang ibig sabihin ng “You are tagged!”.

Sa totoo, hindi naman masama ang loob ko. Walang bagay ito sa akin. Gusto ko lang ibahagi ang tungkol sa paralanguage. Da best kasing halimbawa ang tanong niyang “Ano po ibig sabihin?”

Kung wawariin ang tanong ay magalang dahil sa salitang po. Ngunit alam ba ninyo na sa simpleng pagbabago ng tono, lakas at intonasyon, maaaring magbago ang ibig sabihin ng pariralang iyon o ng mga katagang iyon? Malalaman mo kung sinasabi iyon na may pang-iinsulto, may galit, o simpleng pagtatanong lamang. Madalas ganito kasi ang mga Pinoy at kapag kinumpronta mo na at tinanong kung bakit tila galit ang isang Pinoy, sasabihing hindi pero malinaw naman na ang tono ay galit.

Nang minsang ako ay nakigamit ng kompyuter (dahil sira ang kompyuter ko noon) sa isang bahay, nalaman kong may itinatagong inis o pagkagalit ang taong may-ari ng kompyuter. Bukod sa ako ay sinopla agad na may problema ang internet connection niya, at matapos na ako ay paghintayin nang mahabang oras bago pinagamit, nang matapos siya sa kanyang ginagawa, biglang humarap sa akin at walang ngiti na sinabing, “Gusto ninyo subukan ninyo!”

Pwede naman akong umalis na pero hindi ko ginawa. Kung mag-wo-walk-out ako, kabastusan iyon. Sabi ko na lang sa sarili, buti na lang at hindi ako tulad niya. Ang yabang po kasi ng pagkakasabi. Sabi ko di ako magtatagal at tinupad ko naman di tulad niya noong nag-aaral pa siya, kapag sinabi niya na makikigamit siya ng kompyuter at 10 minuto lamang ang gugugulin niya, ang ibig sabihin noon ay isang oras o baka higit pa.

Hindi na ako nakigamit simula noon.

Isa Na Namang Senyales ng Kahirapan?

Noong isang linggo, napabalitang nalunod ang anak na lalaki ng isang taga lugar namin. Panghihinayang ang naramdaman kasi nga’y isa na siyang ganap na binata, mga higit beinte singko anyos na. Kabilang siya sa isang grupo ng mga musikero. Mabait na anak ang sabi.

Kahapon lamang ay narinig ko ang usap-usapan tungkol sa nangyaring trahedya sa binatang ito. May hinala daw na ginagawang hanapbuhay ng mga tao sa lugar na iyon sa Zambales ang paglunod sa mga dayo. Dahil nga pinahahanap ang nawawalang bangkay ay nagbabayad ang mga kaanak makita lamang ang katawan ng nalunod na mahal sa buhay. Pero gaano kaya katotoo na kinakailangan pang pumatay sa pamamagitan ng paglunod sa mga dayo upang magkaroon lamang ng kita ang mga taga-roon? Pang-anim na raw ang binata ngayong taong kasalukuyan sa mga namatay na dayo sa naturang lugar.

Nakalulungkot isipin kung totoo ito. Dahil sa kahirapan, ginagawa na ng iba ang mga karumal-dumal na gawain. Isang senyales na naman.

Sipsipan ng Enerhiya

Kwento ko kay Daryl ngayong gabi na nangopya ako nang ako ay nasa 4th year ng aking engineering course. Buong buhay ko ng pag-aaral mula elementarya, di kasi ako nangopya. Hanggang sa isang araw nga ay nagdesisyon akong huwag mag-aral at mangopya. Ang dahilan, sabi ko sa kanya, ay nasawa ako na panay na lamang ako ang kinokopyahan. May mga pangyayari na mas mataas pa ang grado ng kumopya sa akin dahil sa hinala ng propesor na ako ang nangopya. Kung bakit ay sa simpleng dahilan na maganda daw akong sumulat (Kasalanan ko ba iyon?). Minsan naman ay mas mataas pa ang grado ng isang buong grupo na kumopya din lamang sa akin dahil pinainom nila ang walang kwentang propesor.

Palagi kasing nahaharap si Daryl sa ganitong sitwasyon sa kanilang paaralan at sa loob ng silid-aralan. Hindi niya kayang lunukin ang pangongopya. Maliit pa lamang kasi si Daryl ay ganoon na siya. Hindi man siya numero uno sa klase ngayong nasa mataas na paaralan siya, hindi mo naman matatawaran ang kanyang prinsipyo tungkol sa pangongopya. Hindi kailanman sa kanya katanggap-tanggap ito. Mas gugustuhin pa niya ang makakuha ng mababang grado kaysa ang mangopya.

Talamak ang sistemang ito ng pangongopya sa kahit saang paaralan at hindi naman ito lingid sa atin maging sa mga guro at mag-aaral. Pero nakakabahala rin ang mga tinatanggap na komento ni Daryl tulad ng ‘hindi marunong makisama’ o ‘walang pakikisama’. Hindi man siya ganoong ka-vocal, naiisip niya na ‘kasalanan nila iyon dahil hindi sila nag-aral’ na tama naman. Huwag lamang sanang humantong ito sa hindi magandang sitwasyon para sa anak ko. Sabagay, sabi naman ni Daryl, hindi siya papasok sa mga sitwasyong alam niyang ikapapahamak niya.

Ayon din sa aking bunso, sa kanilang klase, marami ang hindi nag-aaral at dumidikit na lamang sa mga matatalino o palaaral. Nagkakasama-sama ang ilan dahil sila raw ay ‘nagsisipsipan ng enerhiya’. Ibig sabihin nito, sabi ni Daryl, dahil sa kailangan ng kanyang mga kamag-aral ang isa’t isa sa ilang kadahilanan kung kaya sila ay magkakasama o magkakaibigan. Tulad na lamang daw ng isa na lumalapit sa mga ‘malalakas’ para din siya maging ‘malakas’. O tulad ng isa naman na dumidikit sa isang honor student para maka-survive dahil pinakokopya siya nito.

Naiisip ko lamang, gaano na kaya kalala ang sistema ng pangongopya sa ating mga paaralan? Ano ang ginagawa ng mga guro dito? Bakit may mga nakakalusot, at madalas ito? Ganito kaya ang sitwasyon sa mas nakararami o mas kakaunting porsyento ng mga paaralan, elementarya man o high school? Tunay na nakababahala sa akin.

Pwersa

Kailangan kong pumunta sa opisina para magdoble trabaho ngayong araw ng Agosto 27 (ngayon ay walang pasok kasi holiday) at magdoble bayad na rin. Kinuntsaba ko si Kay at si Daryl na samahan ako. Nagulat pa ako nang pumayag sila.

Nagulat rin ako nang pumayag silang gawin ang mga maliliit na pabor (na bahagi rin ng aking trabaho) na walang reklamo. Marahil dahil ang mga gawaing ito ay bago sa kanila at kakaiba. Nag-enjoy naman sila at natapos pa nang mas maaga sa inaasahan. Hindi ko na pala kailangang mag-importa ng ibang empleyado mula sa ibang departamento.

Ang kapalit – masarap na umagahan at tanghalian, at donuts. Simple lang, di ba? Pero okay lang dahil buong pwersa naman kaming mag-iina na nagtulong para matapos ang ilan sa napakaraming dokumento sa oras. Malapit na kasi ang Recertification Audit ng aming kompanya.

Natutuwa ako na makita na interesado ang aking mga anak na matuto, at makita na nasisiyahan sila sa mga bagong bagay na nadidiskubre nila, maliliit man ang mga ito. Masarap na silang kasama dahil hindi sila nauubusan ng mga paksang pinag-uusapan at hindi natatakot na magsabi ng opinion kahit na maaaring hindi sumang-ayon ang kausap.

Kahit na anong hirap ng isang gawain kapag naroon ang buong pwersa, magiging madali at mabilis ang lahat. Sana ganito ang ugali ng lahat ng empleyado sa isang organisasyon. Wala sanang problema.

Paumanhin

Sabi nga ni Emoseb, matagal ko nang blinangko ang blog na ito. Pasensya na sa mga bumibisita. Iilan na nga lang kayo, e, napapabayaan ko pang sulatan ang espasyong ito.

😀

Paumanhing totoo. Napakaraming pinagkakaabalahan. Sa totoo, blangko ang isip kung kaya’t blangko ring madalas sa mga bagong sulatin.

Babawi na lang ako. 😀

Pero bago tuluyang magpaalam, subukan niyong panoorin ang Mommy Elvie’s Problematic Show sa Channel 5 tuwing Martes, alas 10 ng gabi .