Sa Labi ng Iba…

Isa itong aklat na naglalaman ng mga tulang isinalin sa wikang Filipino ni Nena B. Gajudo. Siya ang kabiyak ni Edgar Talusan Fernandez.

Ang aklat ni Tita Nena ay naglalaman ng mga tula sa pasasapilipino. Ang tulang susunod ay mula sa aklat na Sa Labi ng Iba… pinamagatan itong Sa Kabataan at tula ito ni Herman Hesse na may pamagat na To Children.

Sa kabataan

wala kang kamuwangan sa panahon
nalalaman mo lamang na sa malayo
sa kabilang ibayo marahil
ay isang digmaan ang ipinaglalaban
nagkakayas ka ng kahoy, humuhubog ng itak,
ng sibat, at ng pananggalang
maligayang naglalaro sa halamanan
nagtatayo ng kanlungan,
gumagamot ng kunwaring sugatan,
ay, anumang lakas ng hangarin ko
na manatili ang digmaan para sa iyo –
lalaging isang malabong alamat lamang.
upang hindi ka na humarap sa larangan
at hindi mamatay
at hindi makulong sa nag-aapoy na bahay.

gayonpaman, isang araw ay haharap ka sa digmaan
at isang araw ay malalaman
ang katamisan ng buhay,
ang katangi-tanging halaga
ng bawat pintig ng puso
ay hiram lamang, at anumang maglaho
sa lumipas at pinapangarap na tagapagmana
sa malayong kinabukasan ay dadaloy sa iyong dugo
at sa bawat hibla ng buhok mo sa ulo
ay may isang nagpakasakit sa isang pakikibaka,]
isang pasakit, isang kamatayan.

at malaman mong anumang kadakilaan
sa iyong kaluluwa
ay lalagi ang isang mandirigma
kahiman walang sandata,
na sa bawat araw ay isang pakikibaka
at isang tadhana ang naghihintay.
huwag mong limutin ito!
pakaisipin mo ang dugo, ang kaguluhan,
ang mga wasak na kapaligiran
na hihimlayan ng sarili mong kinabukasan,
at paano, paano ang kamatayan
at pagpapakasakit
na titirikan ng munting kaligayahan.

at higit na mag-aapoy ang iyong buhay
at isang araw sa mga bisig nito
ay yayapusin maging kamatayan.

2 Tugon

  1. kung mawawalan na ng bughaw na pintura
    sa kalangitang nawatasan ng baliw mong isipan
    ano pa ang maitutulad sa isang duguang dagat
    na nawalan ng halaga sa paningin ng araw?

  2. magaling, paurong. magaling. :-) salamat sa pagbabahagi.

Mag-iwan ng Tugon