Isa sa nakaugalian sa kultura ng mga Filipino ay ang paghahanda para sa pista. Sa ganang akin, hindi ako gaaanong sang-ayon sa mga ganitong selebrasyon. Bukod sa hirap ng katawan, hirap din ang bulsa. Pero napakahirap nang putulin o itigil ang mga ganitong klase ng pagdaraos. Sabi ng aking si Papsie, noon nga raw ay nagkakatay pa sila ng baboy para sa pista. Paano naman daw ay dinarayo talaga sila ng mga kamag-anak, at nakikitulog pa nga ang mga ito tuwing bisperas.

Ngayon, bukod sa patay na si Tatay (biyenan ko siya, actually) na siyang nag-uugnay sa napakaraming kamag-anak nila, nagtitipid na rin dahil sa walang pagkaawat na pagtaas ng mga bilihin. Aba’y uunahin mo pa ba naman ang pista kung ang iyong salapi ay kukulangin na para sa iba pang mga gastusin? ‘Ika nga ng isang kumpare ni Papsie, iba na rin ang perception ng mga tao ngayon, dati raw di na ipinang-iimbita ang pista, ngayon inuunahan ka pa ng pag-iisip nila na ‘di siguro maghahanda ang mga ‘yun, ang hirap ng buhay, e!’

Sabagay, may buti ring idinudulot ang pista. Dito mo muling makikita ang mga nawawalang kamag-anak, ang mga abala, ang mga long lost friends. Dito ka rin nakakatagpo ng mga bagong kakilala at kaibigan, at ‘yung iba nga, lover pa, este loved one pala. Kung susuwertehin ka, makakakita ka pa ng mga artista at politiko kung natapat sa panahon ng eleksyon. Sa mga ganitong okasyon din walang tigil ang pagdating ng mga pagkain at inumin at alak. Palagi ko ngang litanya, “Kain nang kain, balik nang balik, bukas me bayad na ‘yan!”

Masaya namang palagi ang kabuuan ng pista. Siyempre, may makikita ka pa ring mga nakakaimbiyerna, o ma-ba-bad trip ka pa rin sa ilang tao o pangyayari, pero ang suma total, masaya. Dito rin, oo nga pala, isinasabay ng iba ang iba pang selebrasyon gaya ng bertdey o pagpapabinyag. Ewan ko lang kung may nagpapakasal sa ganitong araw. (Parang hassle naman ‘yun.)

Hindi ko nga pala inimbitang muli ang mga maaarte at mga walang utang na loob. Hindi naman kasi yata maganda na iimbitahan mo at hindi darating. May mga iniimbita kasi na magsasabi agad na hindi sila makakarating. ‘Yung iba, kantyaw nang kantyaw, di naman pala pupunta. Ang arte, di ba? ‘Yun namang mga walang utang na loob, pinakain mo na, kung anu-ano pa ang sasabihin. Mantakin mo, minsang may inimbita ako na muntik nang magkatiyan sa likod, pagdating sa opisina, kung-anu-ano ang ikinuwento. Panay pa ang ngiti ko sa kanya at tanong kung nabusog ba. Hindi naman ‘yung pagkain ang pinintasan, panay lang naman ang komento tungkol sa Nanay, sa asawa ko at sa mga anak ko. Para bang ang hinahanap nang magtungo sa bahay ay ang maipipintas. Nakakaawang nakakainis.
Pero napakasarap po ng kare-kare na iniluto ni Papsie. The best! Inulan na nama siya ng mga papuri :-D. Pampaalis na ‘yun ng kanyang pagod. Walang sinabi ang bagoong ng Kamayan na singkwenta pesos ang isang bote ha ha ha sa bagoong na iniluto niya. Sabi nga ng isang bisita, binabuyang bagoong. Bagoong pa lang daw ay ulam na. Pwera biro at yabang, masarap pong talaga!

Bago pa matapos ang kwento doon po sa amin, babanggitin ko lang ang pagbisita ni Ara Mina sa aming lugar dahil si Chuck Mathay, na kanyang ama, ay tatakbong kongresista.

Filed under: Mahahalagang bagay, pamilya



[...] Doon Po Sa Amin Tuwing Mayo 1 Posted in OKASYON, info leaves, 2 cents worth, seasons, family [...]
Bing,
Tunay na kina-ugalian na talaga nating mga Pilipino ang pag-pipista sa bawat kalye at komunidad walang mintis at taon-taon ng pinagdidiwang ang pista ng patron santo o santa at siya namang sinasamantala natin ng kasiyahan at kainan. Totoo nga ang sinabi mo tungkol sa sarap ng luto ni mang Tomas. Kadalasan, sa pista mo lang masusubukan ang luto ng mga kaibigan mong may tanging talino sa masarap na mga iba’t-ibang sari ng putahe. Tuloy ang pistahan!
pag si Papsie talaga ang nagluto, kahit hindi pista, patok!
pwde kau mgfeature ng article about disadvantages nd advantages sa paghahanda ng pista?
hi, verna. huli na nang mabasa ko ito. busy kasing masyado. bihira na ring makadaan dito.
hindi ko rin alam kung kailan makakapag-post uli.